MANILA, Philippines - Lima pang suspect kabilang ang isang dating pulis na sangkot sa malagim na pambobomba sa ‘night market‘ ng Davao City ang naaresto ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya matapos maharang ang mga ito sa checkpoint sa Sitio South Madalum, Brgy. Nabalawag, Barira, Maguindanao nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla ang nasakoteng dating parak na si PO2 Jessy Vincent Guinto Original, alyas Abu Aisha dating nakatalaga sa Antipolo Police Station ng Police Regional Office (PRO) 4A .
Ang iba pa ay sina Arumpac Ibrahim Pandita, Hamsa Bagul, Musa Rasamal at Mohammad Said Jamla. Ang mga ito ay natukoy na responsable sa madugong pambobomba sa night market sa Roxas Avenue, Davao City noong Setyembre 2 na ikinamatay ng 15 katao habang 72 pa ang nasugatan.
Bandang alas – 4 ng hapon nang masakote sa checkpoint ang mga suspek ng pinagsanib na elemento ng Army’s 37th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division (ID) at ng lokal na pulisya na naharang ang anim na kahina-hinalang behikulo na walang mga plaka na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Samantalang nabigo namang masita ang iba pang lulan ng mga behikulong walang plaka matapos na abandonahin ang kanilang mga sasakyan at magpulasan ng takbo.
Nakuha sa behikulo ng mga naarestong suspect ang isang set ng mga Improvised Explosive Device (IED) at apat na fragmentation grenades.
Samantalang inimpound naman ang mga behikulo ng mga nasakoteng suspect.
Ayon sa opisyal, ang nasabing pulis ay ang ika-siyam na suspect na sangkot sa madugong pambobomba sa lungsod ng Davao na nagbunsod sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘state of lawlessness’. Nagpapatuloy naman ang pagtugis sa isa pang kasamahang terorista ng mga nasakoteng suspect.