Show cause order vs de Lima inilabas

Personal na ibinigay nina House Majority Leader Rodolfo Fariñas (kanan) at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali (kaliwa) ang show cause order laban kay Sen. Leila de Lima kay Senate Secretary Lutgardo Barbo.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines – Naglabas na ng show cause order ang House Committee on Justice laban kay Sen. Leila de Lima dahil sa umano’y pagharang kay Ronnie Dayan na humarap sa hearing sa Kamara kaugnay sa illegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).

Sinabi ni Justice committee chairman Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, 72 oras ang ibinigay nila kay de Lima para magpaliwanag.

Sina House Majority Leader Rodolfo Fariñas at Umali ang nagbigay ng kopya ng order kay Senate Secretary Lutgardo Barbo.

Si Umali ang lumagda sa nasabing order.

Partikular na tinukoy sa order ang text message ni de Lima kung saan pinayuhan nito ang anak ni Ronnie Dayan na dati nitong driver ang naging karelasyon na magtago na lamang at huwag siputin ang hearing ng komite ni Umali tungkol sa paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Umali, matapos nilang magsagawa ng deliberasyon tungkol sa nasabing text message, inaatasan nila si de Lima na magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng contempt dahil sa pakikialam sa imbestigasyon.

Nakalagay din sa order na gagawa ng kinakaila­ngang aksiyon ang komite kabilang na ang pagpapa-contempt kay de Lima kung hindi ito magpapaliwanag.

Nilinaw ni Umali na maaari namang idaan ni de Lima sa kanyang abogado ang paliwanag nito.

Idinagdag ni Umali na iiwasan nila ang pagpapahuli kay de Lima dahil na rin sa umiiral na interchamber courtesy.

Show comments