MANILA, Philippines - Nakatanggap ang administrasyong Duterte ng “very good” net satisfaction rating sa isang survey ng Social Weather Stations na isinagawa noong Setyembre. Excellent rating ang ibinigay ng mga respondent sa giyera ng pamahalaan laban sa droga.
Ayon sa survey ng SWS na naunang nalathala sa Business World, 75 porsiyento ng 1,200 respondent sa buong bansa na kinapanayam ang nagsabing satisfied sila sa mga nagagawa ng administrasyong Duterte. May 17 porsiyento lamang ang undecided at walong porsiyento ang dissatisfied.
Dahil dito, natamo ng administrasyon ang rating na +66 net satisfaction na ikinategorya ng SWS bilang “very good.”
Nagpasalamat ang Malacanang sa ‘very good’ satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng SWS.
“Nagpapasalamat kami sa sambayanang Pilipino sa pagbibigay ng pinakamataas na paunang satisfaction rating na natamo ng isang administrasyon sa ilalim ng Duterte administration,” wika ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar.
Siniguro ni Andanar na lalong pagbubutihin ng gobyerno ang pagtupad nito sa tungkulin hanggang sa makamit ang mithiing mapabuti ang kalagayan ng bawat Filipino sa ilalim ng Duterte government.