Batas sa Balikbayan boxes ipatupad bago mag-Pasko
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ni Senador Sonny Angara sa gobyerno na madaliin na ang pagpapatupad sa batas na naglalayong ilibre sa buwis ang mga balikbayan box na naglalaman ng mga kagamitang nagkakahalaga ng mula P150,000 pataas.
Ipinaliwanag ni Angara na dapat maihabol ang implementasyon ng nasabing batas sa pagsapit ng Pasko.
Ang panawagan ni Angara ay kaunay sa Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na pinagtibay ni dating pangulong Aquino nitong Mayo ng kasalukuyang taon.
Dahil tumatagal nang mula apat hanggang anim na linggo bago makarating sa bansa ang mga balikbayan box, hinimok ng senador ang Bureau of Customs (BOC) na magpalabas ng Customs Administrative Order (CAO) upang maramdaman na ng OFWs ang benepisyo ng batas na ito sa lalong madaling panahon.
“Sigurado akong nagsisimula nang mamili ng mga ipapadala ang ating mga kababayan abroad. Kapag naipatupad ang batas na ito, tiyak na maraming OFW ang matutuwa dahil mas mura na ang pagpapadala ng balikbayan box dahil wala nang buwis,” ayon kay Angara, chairman ng Senate ways and means committee, na siyang nag-sponsor sa CMTA law.
Bago naisabatas ang CMTA law, P10,000 lamang ang tax exemption ceiling ng balikbayan boxes. Sa bagong batas, nakasaad na maaaring makapagpadala ng tatlong ulit na tig-P150,000 na balikbayan boxes sa loob ng isang taon ang overseas Filipinos sa kondisyong ang laman ng bawat kahon ay mga kagamitang personal at hindi pang-negosyo o pang-benta.
“Ang balikbayan box ay hindi lamang lalagyan ng mga pasalubong. Sa pamamagitan ng mga padalang ito, parang ramdam na rin ng pamilyang Pilipino ang presensiya at pagmamahal ng kanilang mga kaanak sa abroad. Ito ay nagbibigay ng ilang minutong pagsasalo-salo ng mga pamilyang magkakahiwalay tuwing Pasko,” saad pa ng senador.
- Latest