PRRD kailangan lang ng pahinga

MANILA, Philippines – Katulad ng ibang tao, kailangan din ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng pahinga, ayon sa mga tagapagsalita ng Malacanang.

Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na maaaring nakaapekto rin sa Pangulo ang mahabang oras ng biyahe at katulad ng iba ay kaila­ngan rin nitong magpahinga.

Napaulat noong Biyernes na hind nakadalo ang Pangulo sa Go Negosyo Summit sa SMX Convention Center sa Davao City dahil sinumpong ito ng migraine. Magkakaroon din sana ng one-on-one interview ang Pangulo sa kapatid ni dating Pangulong Benigno Aquino III na si Kris Aquino pero hindi ito natuloy.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na walang seryosong sakit ang Pangulo at nakaranas lamang ito ng pananakit ng ulo dahil sa migraine.

Matatandaan na dumating sa bansa ang Pangulo mula sa biyahe niya sa Thailand at Malaysia noong Biyernes ng madaling araw kung saan nagbigay pa siya ng media interview.

Bagaman at hindi nakadalo ang Pangulo sa Go Negosyo Summit, dumalo naman ito sa inilunsad na Pilipinong May Puso Foundation, Incorporated na inilunsad ng negosyanteng si Mr. Ramon Ang para sa alaala ng ina ng Pangulo na si Soledad “Nanay Soleng” Duterte na kilalang philanthropist sa Davao City noong siya ay nabubuhay pa.

Sa nasabing okasyon, walang binanggit ang Pangulo tungkol sa kanyang migraine at sa halip ipinaliwanag nito na kaya siya na-late ay dahil galing pa siya sa isang mataas na lugar at mahirap bumaba dahil malakas ang ulan sa bundok.

Inalala rin ng Pangulo sa nasabing okasyon ang pinagdaanang buhay at ikinuwento ang ilang karanasan kasama ang kanyang mga magulang.

Show comments