MANILA, Philippines – Inatasan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Assistant for Visayas Mike Dino na pangasiwaan ang pagpapatayo ng bahay para sa mga typhoon Yolanda victims.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang kautusan sa paggunita sa ika-3 taong anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.
Inamin ni Duterte na dismayado siya ng malaman na matapos ang 3 taong pananalasa ng bagyong Yolanda ay wala pa ring maayos na tinutuluyan ang mga biktima.
“I am not satisfied. Its BS to me. Three years-ang konti konti pa rin,” wika ng Pangulo sa kanyang mensahe kahapon sa mass grave ng Yolanda victims sa Holy Cross memorial park sa Tacloban City.
“To Yolanda victims: I am sorry. I apologize for your situation right now. I want a speedy completion of housing projects for Yolanda survivors,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Duterte, babalik siya sa Tacloban sa Disyembre at dapat ay nakatayo na ang mga tahanan ng mga biktima ng bagyong Yolanda.
“I will be back, babalik ako [sa Tacloban] sa December, by December gusto ko makalipat na lahat,” wika pa ni Duterte kay Presidential Assistant for Visayas Mike Dino.