MANILA, Philippines – Isinugod kahapon sa pagamutan si dating Sen. Bong Revilla matapos itong dumaing ng matinding pananakit ng ulo sanhi ng sakit nitong migraine at hypertension.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos, alas-9 ng umaga nang makaranas ng matinding sakit ng ulo at alta-presyon si Revilla kung saan ay nagsuka ito.
Agad na isinugod si Revilla ng mga pulis na nagbabantay dito sa PNP Custodial Center sa emergency room ng PNP General Hospital sa Camp Crame.
Gayunman, ilang minuto pa lamang ay agad namang inilipat ng pagamutan ang dating senador lulan ng PNP ambulance patungong St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig.
“He was attended to by Dr. Cristobal. On recommendation by head doctor, Dr. Sembrano, Senator Revilla was brought to St. Lukes Medical Center at Bonifacio Global City on board a PNP ambulance and arrived the destination hospital around 11:40 am today (Nov. 5),” pahayag ni Carlos.
Sa pahayag ng maybahay ni Revilla na si Bacoor City, Cavite Mayor Lani Mercado, ang kaniyang asawa ay isinasailalim sa maraming test at laboratory at x-ray examination sa St. Lukes Hospital.
Magugunita na si Revilla, Jose Marie Mortel Bautista sa tunay na buhay ay nakulong sa PNP Custodial Center kaugnay ng kasong plunder.
Sina Revilla kasama sina dating senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile ay kinasuhan ng plunder noong 2014 kaugnay ng umano’y pagkakamal ng milyong halaga sa pork barrel funds mula sa pekeng non-government organization ng pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles.