MANILA, Philippines – Wala munang ipapatupad na nationwide firecracker ban ang pamahalaan sa kasalukuyan.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa interview dito ng NHK Japanese TV sa Malacanang kamakalawa bago siya tumulak patungong Tokyo para sa kanyang 3-day official visit.
Ayon kay Duterte, kailangan munang makonsulta ang lahat ng stakeholders bago magpatupad ang gobyerno ng nationwide firecracker ban.
Nais sana ni Duterte na ipatupad ang firecracker ban para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan dahil sa masamang dulot ng paputok.
Magugunita na nagpatupad si Duterte ng firecracker ban sa buong Davao City noong alkalde pa ito ng lungsod at plano din niyang ipatupad ito sa buong bansa ng maupo bilang chief executive pero dapat munang konsultahin ang lahat ng apektadong sektor.
Kamakailan ay sumabog ang mga nakaimbak na paputok sa isang tindahan sa Bocaue, Bulacan kung saan ay 2 katao ang nasawi habang 24 katao pa ang nasugatan noong October 13.
Dahil dito, lumakas ang panawagan kay Duterte na magpatupad na ito ng nationwide firecracker ban para na rin sa kaligtasan ng taumbayan.