FOI bill umusad na sa Senado
MANILA, Philippines – Umusad na kahapon sa Senado ang panukalang Freedom of Information bill na naglalayong maging bukas sa publiko ang mga impormasyon at mga transaksiyong pinapasok ng gobyerno matapos isalang sa plenaryo ang panukala.
Sa sponsorship speech ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate public information and mass media, sinabi nito umaasa siyang ito na ang huling pagkakataon na isponsoran niya sa plenaryo ang nasabing panukala na hindi nakalusot noong nakaraang Kongreso.
Ayon kay Poe, magiging bukas na sa publiko ang impormasyon tungkol sa mga ari-arian ng mga opisyal ng gobyerno.
“Sa ilalim ng batas, pwede, halimbawa, kunin ang address ng mga bahay ng isang opisyal sa SALN. Pero kalabisan namang humingi pa ng litrato ng mga silid-tulugan o imbentaryo ng mga anik-anik sa loob ng bahay,”ani Poe.
Ipinunto rin nito na karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng access sa mga opisyal na records at dokumento ng mga opisyal ng gobyerno.
Sakop ng panukala ang tatlong branches ng gobyerno na kinabibilangan ng executive, legislative at judiciary.
Matatandaan na pinaiiral sa executive branch ang FOI pero hindi nito sakop ang buong gobyerno.
- Latest