MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang P3.3 trillion na 2017 national budget.
Ginawa ng mga kongresista ang botohan sa huling araw ng kanilang sesyon kahapon bago ang kanilang recess ngayong araw.
Sa botohan para sa House bill 3408, pumabor ang may 243 kongresista sa budget habang 5 naman ang tumutol at isa ang nag-abstain.
Isa naman sa malaking pagbabago sa budget ay ang pagbabalik sa kinaltas na alokasyon sa may 65 State Universities and Colleges (SUCs) at government hospitals.
Hindi pinalusot ng Kamara ang kinaltas ng ehekutibo na alokasyon sa mga SUCs at government hospitals dahil madidiskaril umano ang serbisyo ng mga ito.
Nagrehistro naman si Albay Rep. Edcel Lagman ng reservation sa approval ng 2017 budget dahil wala umanong dahilan para madaliin ito ng Kamara.
Ang 2017 budget ay mas tataas ng 11.6% kumpara sa 2016 budget.
Habang ang top 10 agencies naman na may malalaking alokasyon sa ilalim ng 2017 budget ay ang DepEd, DPWH, DILG, DND, DSWD, DOH, SUCs, DOTr, DA at ARMM.