^

Bansa

DDS hitman: 1,000 ang pinatay ko!

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon

Tumestigo sa Senate probe

MANILA, Philippines - Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights  ang isang testigo na umaming “hitman” ng Davao Death Squad (DDS) at pumatay ng may 1,000 katao simula 1988-2013 base umano sa utos ni dating Davao City ma­yor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Iniharap ni Senator Leila De Lima, chairman ng komite ang testigong si Edgar Matobato, 57, na unang ipinakikilang “ghost employee” ng Davao City Hall sa loob ng 24 taon at dating miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) bago siya naging miyembro ng DDS noong maging mayor si Duterte noong 1988. Naging bahagi siya ng Civil Security Unit ng siyudad pero ang trabaho umano niya ay pumatay ng mga kriminal kasama ang ilang pulis at mga da­ting rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno.

Ayon kay Matobato, mismong si Duterte ang nagrecruit sa kanya kung saan tinawag ang kanilang grupo na “Lambada Boys” na nagsimula sa pitong miyembro. Mismong si Duterte aniya ang nagtatag ng DDS.

Sa pagtatanong ni Senator Sherwin Gat­chalian, inamin ni Matobato na umabot sa 1,000 katao na ang kanyang napatay kabilang ang isang dance instructor na boyfriend umano ng kapatid ni Duterte na si Jocelyn dahil sa hinala ng dating mayor na piniperahan lamang ang kanyang kapatid.

Pinapatay din umano ni Duterte ang apat na supporters ni dating House Speaker Prospero Nograles na dating kalaban ng Pangulo sa pulitika noong mayor pa siya ng Davao City.

“Dinala namin sila sa Island Garden City of Samal…Nilagay sa buhangin at binigti lahat. Biniyak namin ‘yung tiyan tapos ako ang nagkarga sa bangka doon sa laot. Tinapon na namin. Nilagyan ng hollow blocks, tag-tatlo isang tao,” pahayag ni Matobato.

Si Duterte rin umano ang nagpapatay sa radio broadcaster na si Jun Pala dahil palagi nitong binabanatan ang dating mayor.

Ikinuwento rin ni Matobato kung papaano nireskaban at inubos umano ni Duterte ang dalawang magazine ng baril sa isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinangalanan niyang si Jamisola na naka-engkuwentro ng isang Col. Pabo matapos maharangan ang sasakyan nila habang patungo sa isang operasyon.

Pambobomba sa mosque

Ibinunyag ni Matobato na mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos noong 1993 na bombahin ang isang mosque sa Davao City kung saan may mga namatay na Muslim bilang ganti sa nangyaring pambobom­ba sa Davao Cathedral. Inutusan umano sila ni Duterte na arestuhin at patayin ang mga Muslim na pinaghihinalaang res­ponsable sa pambo­bomba ng Davao Cathedral.

Kabilang pa umano sa pinatay ng DDS ay ang isang “Salik Makdum” na dinukot umano nila sa Samal noong 2002 at inilibing sa isang quarry na pag-aari ng isang pulis. Bago pinatay, iniharap umano nila si Makdum sa dating pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) sa Davao City na si Ronald “Bato”   Dela Rosa na ngayo’y hepe ng Philippine National Police.

Pinabulaanan naman ni Dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng Senado ang akusasyon ni Matobato.  Itinanggi rin ng PNP chief na kilala niya si Matobato at ang sinasabi ng huli na team leader ng DDS na si Arthur Lascañas.

Kinuwestiyon naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kredibilidad ni Matobato matapos na sabihin ng huli na dinala nila si Makdum sa tanggapan ng PAOCTF. Giit ng senador, ang PAOCTF ay binuwag na noon pang 2001 dahil kumandidato na siya noon bilang senador.

Paolo idinawit sa patayan, droga

Idinawit pa ni Matobato ang anak ni Pangulong Duterte na si Paolo na siyang nagpapatay umano ng ilang katao kabilang na ang bilyonaryong si Richard King na isang negosyante na nagmamay-ari ng hotel.

Ayon kay Matobato, pinapatay umano ni Paolo si King noong 2014 dahil naging karibal niya sa isang babae ang huli.

“Ito si Paolo Duterte nagra-rival sila ni Richard King sa babae. Yung may-ari ng McDonalds, si Ochoa. Hindi ko alam ang pangalan Ma’am pero ang apelyido Ochoa,” pahayag ni Matobato.

Bukod kay King may iba pa umanong pinapatay si Paolo kabilang  ang isang nakagalit sa isang gasolinahan.

Ayon pa kay Matobato, gumagamit rin umano ng ilegal na droga si Paolo pero hindi ito nagtutulak o pusher.

Pero sa pagtatanong ni Senator Alan Peter Cayetano, inamin ni Matobato na hindi naman niya nakitang gumamit ng shabu si Paolo at bumabase lamang siya sa tingin at hitsura na tila sabog sa droga.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with