P12.6 billion NHA budget, di sapat para sa relokasyon

MANILA, Philippines - Hindi sapat ang panukalang P12.6 billion budget ng National Housing Authority (NHA) upang pondohan ang relokasyon ng  informal settlers at mga pamilya na nakatira sa mapanganib na lugar. 

 Ito ang sinabi ni Senator Cynthia VIllar kaugnay sa budget ng NHA at sa dami ng pamilyang dapat mabigyan ng maayos na matitirhan. 

Inihalimbawa ni Villar ang pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority noong 2010 na tinatayang aabot sa 2.8 million ang informal settlers kung saan 556,526 pamilya ang nasa Metro Manila. Sa bilang na ito, 104,000 pamilya ang nasa danger zones gaya ng railroad tracks, garbage dumps, at waterways.

Sa  Senate briefing ng Development Budget Coordinating Committee sa panukalang P3.35 trillion national budget para sa susunod na taon, sinabi ni Department of Budget and Management Sec. Benjamin Diokno na  P12.6 billion ang ilalaan sa NHA para sa socialized housing program.

 Ang naturang halaga ay gagastusin sa resettlement ng informal settlers na nakatira sa danger zones at gagamitin ding housing aid sa mga biktima ng kalamidad.

 Noong 2016, ang NHA ay may budget na P30.4 billion. Ang budget adjustment, ayon kay Diokno, ay sanhi ng underspending ng naturang budget sa taong ito. 

 Sinabi ni Villar na hindi kasalanan ng mga ‘informal settlers’ kung hindi maayos na nagawa ng NHA ang trabaho nito at hindi nagastos ng tama ang budget.

 Sinabi ni Villar, chair ng  Senate Committee on Social Justice and Rural Development, na dapat mabigyan ang mga pamilya ng ligtas at disenteng pamumuhay sa  mga relocation  site. Aniya, ang relocation sites ay dapat na nasa mga lugar kung saan maaaring makakuha ng hanapbuhay ang mga residente at matugunan ang kanilang pangangailangan gaya ng palengke at paaralan.

Show comments