MANILA, Philippines - Nakahanda ang Chinese government para sa “bilateral talks” sa Pilipinas pero iginiit na isasantabi nila ang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa bansa kaugnay sa territorial claims nito sa West Philippine Sea (WPS).
“Well, you know our position that we cannot accept the arbitration award, but we do look forward to talk to the Philippines bilaterally over the topics that we have,” wika pa ni Chinese Ambassador Zhao Jinhua sa mga reporters sa ambush interview sa paggunita ng National Heroes Day commemoration sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Zhao, dapat ituon ng Pilipinas at China ang pag-uusap para sa parehong interes ng dalawang bansa at isantabi ang anumang isyu na magbebenepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Sa panawagan ni Duterte sa China na payagan ang mga mangingisdang Pinoy na makapangisda sa Panatag shoal o WPS, sinabi ng Chinese ambassador na bukas ang China sa posibilidad.
Hiniling pa ng Pangulo sa China na huwag ituring ang mga Pilipino bilang kaaway kundi mga ‘kapatid’. Anang Pangulo, hindi pa siya handa sa giyera at ang sagot lamang dito ay kapayapaan.
“I hope you (Chinese) treat us as your brothers and sisters and not your enemies. After all, there is a Chinese blood in me,” wika pa ng Pangulo.
Nangako din ang Pangulo na hindi nito muna igigiit ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa pakikipag-usap sa China dahil baka magbunga lamang ito ng suspension ng pakikipag-dayalogo dito.