MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang si Presidential spokesperson Ernesto Abella matapos sumabog ang dalawang gulong ng Philippine Air Force (PAF) Fokker plane na kanilang sinakyan nang lumapag sa runway sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa ng gabi.
Ayon sa paunang ulat, ang PAF Fokker aircraft F27 na may registry number na RPC 10620 ay galing Cebu Airport patungong NAIA dakong alas-10:30 ng gabi nang tumawag sa Manila Control Tower ang piloto nito para humingi ng clearance upang makalapag sila sa runway 06/24 at pinayagan naman.
Napag-alaman sa report, ilang segundo lamang nang lumapag ang PAF aircraft sa runway nang sumabog agad ang dalawang gulong nito at nagpagewang-gewang ang takbo papunta sa rapid exit way.
Dahil sa insidente, naging dahilan ito nang pagkaantala sa may 10 international at domestic flights nang hindi agad nakapag-landing sa runway ng paliparan.
Walang iniulat na nasaktan sa pangyayari at iniimbestigahan ng PAF ang dahilan ng aberya.
Isang oras at 37 minuto bago nai-alis at binigyan ng clearance na puwede nang lumapag at makaalis ang mga eroplano sa pangunahing NAIA runway matapos tulungan ng Manila International Airport Authority (MIAA) Fire and Rescue personnel ang mga sakay ng PAF plane.
Ang nasabing F27 Fokker plane ay nakatalaga sa PAFs 220th Airlift Wing na nakabase sa Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu.
Nagsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang pamunuan ng MIAA sa insidente upang mabatid kung sinadya o bunsod ito ng mechanical trouble.