MANILA, Philippines – Malaki ang paniwala ng Malacañang na sakaling magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte kapag kinakailangan, susuportahan ito ng mayoryang Pilipino.
Gayunman, nilinaw ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na walang dapat ipag-alala ang taumbayan dahil malabo pang magdeklara ng martial law ang Pangulo.
Magugunita na inihayag mismo ni Pangulong Duterte sa Cagayan de Oro City na baka magdeklara siya ng martial law kung patuloy na haharangin ng Korte Suprema ang anti-drug campaign ng gobyerno at gagawa ng constitutional crisis si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Wika pa ni Panelo, sakaling magdeklara man ng batas militar ang Pangulo ay kakaibang martial law ito para hindi ito maabiso.
Sinabi rin ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar na hindi seryoso ang Pangulo nang sabihin nitong magdedeklara siya ng martial law.
Sa Senado, hindi rin sineryoso nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Sonny Angara ang bantang martial law ng Pangulo.
Ayon Lacson, dapat masanay na ang lahat sa “bullheadedness” at “antics” ni Duterte kabilang na ang banta nito na magdedeklara ng martial law. Aniya, ang desisyon para sa pagdedeklara ng martial law ay hindi lamang nakasalalay sa kamay ng Pangulo dahil kinakailangan nito ang pagpayag ng Kongreso.
Giit ni Lacson, may limit din ang araw na maaaring ipatupad ang martial law at useless din kung idedeklara ito. Hindi rin siya sa babala ni Sereno na magdudulot ng Constitutional crisis ang ginagawang pagbubunyag ni Duterte sa mga “narco judges”.
Naniniwala naman si Angara na hindi seryoso ang Pangulo sa naging banta nito lalo pa’t ipinaliwanag na ni Andanar na ‘rhetorical question’ lamang ang naging pahayag ng Pangulo.