MANILA, Philippines – Paiimbestigahan ni incoming House Speaker Pantaleon Alvarez si Sen. Leila de Lima kaugnay sa umano’y pagiging koneksyon nito sa mga convicted drug lords at sa pagkalat ng illegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Bagamat posibleng malabag ang inter parliamentary courtesy sa magiging hakbang ni Alvarez, nangako pa rin ito na maghahain ng resolusyon para magsagawa ng congressional investigation sa Senadora.
“Let us investigate why during the term of now Senator De Lima,nag-proliferate ‘yung illegal drugs sa loob ng Bilibid, ‘yun dapat ang imbestigahan,” ayon kay Alvarez sa ginanap na luncheon meeting ng mga miyembro ng PDP-Laban sa Makati City.
Ang hakbang ni Alvarez ay kasunod ng mga naglalabasang ulat na nag-uugnay kay de Lima sa convicted bank robber na si Herbert Colangco na pinaghihinalaan ding kasapi ng drug triad at kay convicted drug lord Jaybee Sebastian.
“I will file a resolution para imbestigahan ‘yan (to probe it),” giit pa ng Speaker.
Matatandaan na noong panahon ni De Lima nadiskubre na ang mga convicted drug lords ay namumuhay nang masagana o parang hari sa loob ng Bilibid habang patuloy ang kanilang illegal na operasyon ng droga sa bansa.
Kamakalawa, inihayag din ni Solicitor General Jose Calida na kanyang paiimbestigahan si De Lima dahil sa mga larawang iprinisinta sa media na nakikipag-party ang senadora sa loob ng kubol ng convict na si Sebastian.
Unang inamin ni De Lima na siya ang nasa unang larawan na nag-viral sa social media subalit ang katabi umano niya dito ay si Quezon City Rep. Alfred Vargas at hindi ang drug lord na si Colangco.
Sa Senado, wala namang balak si incoming Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na paimbestigahan ang alegasyon ni Calida na may senador na protektor ng droga kung wala namang maghahain ng resolusyon.
Ayon kay Pimentel, maghihintay siya kung may senador na maghahain ng resolusyon, pero kung wala ay hindi sila magsasagawa ng imbestigasyon.
“If nobody files, there’s no probe,” ani Pimentel.
Halos ganito rin ang sinabi ni Senator Vicente “Tito” Sotto III, na dapat ay may maghain ng resolusyon bago sila magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon naman kay Senator Richard Gordon, dapat i-refer sa Senate Committee on Ethics ang nasabing isyu.
Kinondena naman ni De Lima ang nasabing aksyon ni Calida at ipinaliwanag na bilang dating kalihim ng DOJ, dumadalo sila sa mga Management Committee (ManCom) meetings kabilang na ang isinagawa ng Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng NBP.
Pinayuhan rin ni De Lima si Calida na mas pagtuunan ng pansin ang 150-pahinang desisyon ng United Nations Arbitral Tribunal patungkol sa West Philippine Sea sa halip na pagkaabalahan ang mga “throwback” na mga litrato.