MANILA, Philippines – Patuloy na naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na “non negotiable” ang inilabas na ruling ng United Nations Arbitral Tribunal na nagsasabing teritoryo ng Pilipinas ang inaangking mga isla ng China sa West Philippine Sea o South China Sea.
Kinumpirma ni U.S. Senator Christopher Murphy ang pahayag ni Duterte matapos ang courtesy call ng US congressional delegation sa Malacañang kamakalawa ng hapon.
Ayon Kay Murphy, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi sa kanila na ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ay “non-negotiable”.
“In Manila – just out of meeting with new Philippines President Duterte. (He) assured us he has no plans to negotiate with China over islands dispute,” wika ni Murphy sa kanyang Twitter account.
“We were first US elected officials to meet with Duterte. Says he will not trade territorial rights to China. Tribunal decision non-negotiable,” dagdag pa ni Murphy.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, itutuloy ng gobyerno ang konsultasyon nito sa mga kaalyadong bansa para isulong ang diplomatikong pamamaraan matapos ang desisyon ng PCA.
“Philippines continues along a diplomatic path to fully realize the EEZ rights granted by the arbitration court- engaging in bilateral talks to find mutually acceptable arrangements to PH, PROC and consulting with our regional allies. We consider our sovereign economic rights granted by the law of nations to be non-negotiable. Engagement with China through bilateral talks towards peaceful. Resolution of the issue must be compliant with the Constitution, international law and the rule of law,” paliwanag pa ni Sec. Abella.
Kasama ni Murphy sa US delegation sina outgoing Ambassador to Manila Philip Goldberg, Senator Brian Schatz, Senator Christopher Murphy, Congressman Ted Deutch, Congresswoman Donna Edwards and Congressman John Garamendi.
Sa US, nabatid na tutungo sa Pilipinas sa susunod na linggo si US Secretary of State John Kerry para sa 2-araw na official visit upang makipagpulong kay Pangulong Duterte at Foreign Affairs Perfecto Yasay Jr.
Ayon kay US Deputy Dept. Spokesperson Mark Toner sa isang press briefing sa Washington D.C., inaasahang tatalakayin ni Kerry sa pakikipagpulong kina Duterte at Yasay ang isyu sa South China Sea at ang buong kooperasyon ng US sa bagong Phl administration.
Ang pagbisita ni Kerry sa bansa ay inaasahan isang araw matapos ang gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Duterte. Siya ay mananatili sa bansa mula Hulyo 26 hanggang 27.
Si Kerry ay ang unang chief diplomat mula sa ibang bansa na bibisita kay Duterte sa Palasyo.
Nabatid na dadalo muna si Kerry sa Asean Regional Forum, East Asia Summit Foreign Ministers Meeting, Asean-US Ministerial Meeting at Lower Mekong Initiative Ministerial Meeting sa Vientiane, Laos mula Hulyo 25-26 bago siya tumulak patungong Manila kung saan kabilang sa tatalakayin ay ang maritime security, illegal na pangingsida sa Korean Peninsula at South China Sea.
Bago ang itinakdang pagdating ni Kerry sa Pilipinas, una na niyang ipinadala sa Manila noong nakalipas na linggo si dating US Ambassador to Manila, Counselor Cristy Kenney ng US State Dept. na nakipagpulong sa mga appointees ni Duterte.