MANILA, Philippines - “Muli niyo akong suportahan sa aking bagong paglalakbay. Tayo ay magsama-sama at magkaisa. Kalimutan na natin ang anumang mga pagkakaiba at ituon ang paglilingkod hindi sa pansarili lamang.”
Ito ilang bahagi mula sa 11 minutong pananalita ni dating Camarines Sur Rep. Leni Robredo matapos siyang ganap na manumpa bilang ika-14 Bise Presidente ng Pilipinas sa ginanap na simpleng seremonya sa Reception House na dating tinawag na Boracay Mansion sa New Manila, Quezon City kahapon ng umaga.
Gaya ng inasahan, nanumpa si Robredo kay Brgy. Chairman Rolando Coner ng Barangay Punta, Tarawal, Camarines Sur at kay Brgy. Chairman Regina Celeste San Miguel ng Barangay Mariana, QC.
Si VP Robredo ay sinamahan sa panunumpa ng kanyang mga anak na sina Aika, Tricia at Jillian na siyang humawak ng Bibliya sinimulan ng alas-9 ng umaga.
Sumentro ang mensahe ni Robredo sa pasasalamat, pag-imbita sa publiko at sa pribadong sektor na samahan siya sa kanyang paglalakbay.
Inilahad niya ang kanyang plataporma sa unang 100 araw ng panunungkulan kabilang dito ang pagtutok sa kagutuman, sapat na pagkain, kalusugan, kaunlaran ng kanayunan, edukasyon at people empowerment.
Aniya, bagama’t noong panahon ng eleksyon ay nagkawatak-watak ang bansa, bukas ngayon ang kanyang tanggapan sa pagkakaisa sa kahit anong paniniwala, partido, at maging ang nasa marginalized sector o nasa laylayan.
“Ang sandaling ito ay hindi lamang tungkol sa akin. Ito ang ating pagkakataong maisama ang mga nasa laylayan ng lipunan tungo sa maginhawang buhay sa mas malawak na paraan,” dagdag ni Robredo.
Sa huli ng talumpati, binanggit ni Robredo ang paboritong kasabihan ng kanyang asawang si Jesse na - “What brings us together as a nation is more powerful than what pulls us apart.