MANILA, Philippines – Pinaaaresto ng Sandiganbayan si incumbent Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Juan City dahil sa kasong technical malversation of public funds.
Bukod kay Ejercito, iniutos ng Sandiganbayan 6th Division ang pag-aresto kay outgoing San Juan City Vice Mayor Francis Zamora at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod na sina Angelino Mendoza, Rolanda Bernando at Domingo Sese.
Kasama pa sa pinadadakip sina dating Vice Mayor Leonardo Celles, at mga SP member na sina Dante Santiago, Grace Pardines, Francis Keith Peralta, Eduardo Soriano, Janneh Ejercito-Surla at Joseph Torralba.
Ayon sa Anti Graft court, may probable cause upang ipaaresto si Ejercito at mga kasamahan dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng P2.1 milyong calamity fund na ipinambili ng matataas na kalibre ng baril ng alkalde pa lamang siya sa San Juan noong 2008.
Bago pa siya arestuhin, agad namang naglagak ng P6,000 piyansa si Ejercito para sa kasong technical malversation dahil sa nasabing P2.1 gun deal. Hiwalay ito sa piyansang P30,000 na inilagak nito sa korte para sa kasong graft dahil din sa umano’y maanomalyang pagbili ng P2.1 highpowered rifles.
Nauna kay Ejercito, nagpiyansa rin si Zamora ng P6,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kumpiyansa naman si Ejercito na malulusutan niya ang nasabing mga kaso at malilinis ang kanyang pangalan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng Senador na hindi niya sisirain ang kanyang pangalan dahil lamang sa mahigit na P2 milyon. Aniya, iisang kaso lamang ang kanyang kinakaharap sa magkaibang division sa Sandiganbayan.
“Personally, I’m submitting myself to the justice system and I’m confident that the Sandiganbayan justices will be very fair. Optomistic naman ako at very positive that I will be acquitted of this case,” ani Ejercito bago siya maglagak ng piyansa sa Sandiganbayan.