MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni incoming Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Jesus Dureza na walang nagaganap na usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Duterte Administration at Abu Sayyaf Group (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito’y taliwas sa mga unang ulat sa media na kasama sa mga kakausapin ng incoming Duterte Administration ang mga teroristang grupo.
Sa kaniyang Facebook account, sinabi ni Dureza na nais niyang linawin at itama ang balita ng ilang media outlet kaugnay sa pagiging bukas niya sa pakikipag-negosasyon sa ASG at BIFF.
Paliwanag ni Dureza, totoong nagkaroon siya ng pagkakataon na direktang pakikipag-negosasyon sa Abu Sayyaf, subalit ito ay para lamang pakiusapan ang mga ito na palayain ang kaibigan niyang Canadian na si John Ridsdel na binihag at pinugutan ng grupo.
Gayunman, hindi naman siya bukas sa pakikipag-usap sa mga ito katulad ng pakikipag-negosasyon sa CPP-NPA-NDFP, MNLF at MILF.
Giit pa ni Dureza, kailangang mapanagot ang Abu at BIFF sa mga nagawang brutal na krimen.