PNP na protektor ng gambling lords, kakalusin

Sinabi ni de la Rosa na may mga listahan na siya ng mga pulis na kumukubra ng payola sa mga gambling lords na kaniyang sasampulan pag-upo niya sa puwesto. Philstar.com

MANILA, Philippines – Nagbabala si incoming Philippine National Police (PNP) Chief P/Chief Supt. Ronald “Bato” de la Rosa na bukod sa mga protektor ng ilegal na droga ay kakalusin rin niya ang mga opisyal at tauhan ng pulisya na nagsisilbing protektor ng illegal number game ng mga gambling lords partikular na ang jueteng.

Sinabi ni de la Rosa na may mga listahan na siya ng mga pulis na kumukubra ng payola sa mga gambling lords na kaniyang sasampulan pag-upo niya sa puwesto.

“We have our list. We don’t need to announce what are we going to do but we will do our work,” pahayag ni de la Rosa.

Si de la Rosa , miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1986 ay siyang nahirang ni Duterte na maging PNP Chief pag-upo niya sa puwesto bilang ika -16 Pangulo ng bansa.

Binigyang diin ni de la Rosa, determinado siyang linisin sa mga scalawags ang hanay ng PNP  dahilan ang mga ito ang mga bulok na itlog na sumisira sa organisasyon.

Ayon kay de la Rosa, pag-upo niya sa puwesto ang una niyang marching order sa kapulisan ay tugisin ang lahat ng mga kriminal na sangkot sa mga illegal na aktibidades sa komunidad.

Show comments