MANILA, Philippines - Inilabas kahapon ni Sen. Vicente Sotto III ang inisyal na listahan ng committee chairmanship sa Senado sa pagbubukas ng 17th Congress sa July 25.
Aniya, siya ang magiging Senate majority leader habang si Sen. Franklin Drilon naman ang magiging Senate President Pro-Tempore sa sandaling mailuklok si Sen. Koko Pimentel bilang Senate president.
Sinabi pa ni Sotto, bilang majority leader ay siya ang mamumuno sa senate committee on rules ng Mataas na Kapulungan.
Ang listahan ng bagong committee chairmanships ay sina Sen. Gringo Honasan, chairman ng Senate defense committee; Sen. Panfilo Lacson, public order; Sen. Nancy Binay, tourism chair; Sen. Manny Pacquaio, chairman ng public works; Sen. Loren Legarda, finance committee; Sen. Win Gatchalian, local government; Sen. Grace Poe, public services; Sen. Drilon, chair ng committee on banks; Sen. Bam Aquino, education; Sen. Sonny Angara, ways and means; Sen. Kiko Pangilinan, agriculture; Sen. Risa Hontiveros, health committee; Sen. Joel Villanueva, labor committee; Sen. Leila de Lima, justice committee.
Nais namang ibigay ni Sen. Pimentel ang pamumuno sa Senate blue ribbon committee kay Sen. Alan Peter Cayetano kapag sumama siya sa majority group habang piniling manatili sa minority group ni Sen. Chiz Escudero.
Naunang ibinunyag ni Drilon na may suporta ng 17 senador si Pimentel upang iluklok bilang Senate president sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na buwan.