MANILA, Philippines - Hiniling ng grupong Bantay-Hustisya Pilipinas (BHP) ang bagong Kongreso sa maeskandalong isyu ng “midnight resolution” na posibleng ilabas ng Department of Justice (DOJ) para paboran ang isang negosyanteng malapit sa mga opisyal nito.
Nanawagan kay incoming House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez si BHP convenor and founding Chairman Magtanggol Ibarra para panghimasukan sa lalong madaling panahon ang plano ni Acting Justice Secretary Emmanuel Caparas na maglabas pa ng resolution kahit halos dalawang linggo na lamang sila sa posisyon.
Hinamon din ni Ibarra si incoming Justice Secretary Vitalliano Aguirre na rebisahin ang mga kasong pumasok sa DOJ sa mga huling buwan ng Aquino administration upang matiyak na hindi nagamit ang departamento sa pansariling interest.
“Sobrang nakakaduda ang galaw ng ilang tao sa DOJ, lalo na’t ngayon lang tayo nakarinig na transition period na, gusto pang maglabas ng desisyon,” sabi pa ni Ibarra.
Nanawagan din si Ibarra kay Caparas na tapusin ang kanyang termino nang walang bahid ng anumang isyu upang hindi mahirapan ang Duterte administration na linisin ang DOJ.
Nauna rito, ibinunyag ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) ang pagkilos ng ilang grupo sa DOJ upang madaliin ang midnight resolution para paboran ang pagla-lobby ng ilang indibidwal.
Umapela rin si Ibara kay incoming President Rody Duterte na pakialaman ang midnight dealings sa DOJ at panagutin ang mga taong posibleng sangkot dito.