MANILA, Philippines – Kinondena kahapon ng isang grupo ang Department of Justice (DOJ) dahil umano sa pagmaniobra sa mga resolusyon at desisyon sa mga kasong hawak nito bago maupo si President-elect Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa.
Sinabi ng anti-corruption group na Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE), ang mga opisyal ng DOJ ay naghahanda nang ilabas ang midnight resolutions bago opisyal na manungkulan si Duterte.
Sinabi ng FATE, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa umano’y pakikialam ni Justice Sec. Emmanuel Caparas sa pamamagitan ng pagsusulat nitong muli, mula sa orihinal at pagbabago at pagbaliktad nito sa mga desisyon ng mga kasong hawak ng DOJ upang paboran ang partidong may kinalaman sa kaso.
“Ilang linggo bago opisyal na maupo si President-elect Duterte sa kanyang tungkulin bilang pinakamataas na lider ng bansa, si Caparas ay nagkukumahog na upang baguhin ang mga nauna ng resolusyon. Mariin namang tinututulan ang gawaing ito,” ayon kay Jo Perez ng FATE.
Sinabi pa ni Perez na kabilang din sa impormasyong nakalap nila ang puwersahang pag-uutos umano ni Caparas sa lahat ng mga prosecutors na magbakasyon habang minamaniobra ang mga desisyon kabilang na ang pagbabago ng petsa ng mga ito.
May utos din umano ang DOJ chief sa kanyang mga undersecretaries at mga prosecutors na huwag magpalabas ng desisyon simula ng Hunyo 3 pero nagdesisyon din umano si Caparas na baguhin ang mga resolusyon na siya rin mismo ang personal na nagsulat.
Kabilang umano sa kaso na pilit binabago ang resolusyon ay ang reklamong qualified theft through falsification of commercial documents na isinampa laban kay businessman Mikee Romero kaugnay na rin ng sigalot sa Harbour Centre Port Terminal Inc. (HCPTI).