MANILA, Philippines – Ibinunyag ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte na may 35 local executives kabilang ang mga gobernador at alkalde sa bansa ang sangkot sa illegal drug network.
Ayon kay Quezon Rep. Danilo Suarez, pinangalanan ni Duterte ang 35 local executives sa harap ng mga mambabatas kasama sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at incoming House Speaker Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez matapos silang makipagpulong sa incoming president sa Presidential Guest House sa Panacan, Davao City dahil sa kanilang binubuong koalisyon o super majority group sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Suarez, binibigyan ni Duterte ng pagkakataon ang mga lokal na opisyales ng pamahalaan na sangkot sa sindikato ng droga upang umamin ang kanilang kasalanan para makaiwas sa posibleng ikakasang operasyon o kaso.
“Parang binibigyan niya ng leeway ngayon na confess. Siguro lighter sentence dahil nag-confess ka na pero he is not saying clemency or pardon,” wika pa ni Rep. Suarez.
Tumanggi naman si Suarez na pangalanan ang 35 local executives na binanggit sa kanila ni Duterte pero nagpahapyaw na mga alkalde o gobernador ang mga sangkot sa kalakalan ng droga sa bansa.
Sinabi rin umano ni Duterte ang plano nitong linisin ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at lipulin ang mga sangkot sa illegal drug trade.
“He even mentioned that he might need the support of the Armed Forces in the cleansing method, eliminating those men in uniform who are involved in this drug issue,” dagdag pa ni Suarez.
Magugunita na unang ibinulgar ng incoming president na tatlong heneral ng PNP ang umano’y korap at tumatanggap ng drug money. Binalaan pa niya ang mga heneral na mag-resign na lamang at huwag nang hintayin na maupo siya bilang pangulo upang makaiwas sila sa matinding kahihiyan kapag ibinunyag ang kanilang mga pangalan sa publiko.