Balikbayan box ng OFWs, wala nang buwis… Customs Modernization Act, batas na

Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Mayo 30 matapos ang halos limang taon ang CMTA o Republic Act 10863 para sa modernisasyon ng Bureau of Customs (BOC). Philstar.com file

MANILA, Philippines – Ganap nang batas ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na nagbibigay ng tax exemption o libreng buwis sa mga balikbayan boxes ng milyong overseas Filipino workers papasok at palabas ng bansa.

Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Mayo 30 matapos ang halos limang taon ang CMTA o Republic Act 10863 para sa modernisasyon ng Bureau of Customs (BOC).

Dahil sa nasabing batas, masasawata na nito ang technical smuggling habang mapapabilis din nito ang operasyon at proseso sa BOC, ayon kay Customs Deputy Commissioner Agathon Teodoro Uvero.

Wika pa ni Comm. Uvero, ang automation sa BOC sa pamamagitan ng CMTA ay nagtatakda din ng mas mataas na tax exemption sa mga balikbayan boxes mula P10,000 ay magiging P150,000 na.

Idinagdag pa ni Uvero, magpapabilis din ito at hindi na magpapahirap sa mga traders, importers at exporters sa pamamagitan ng faceless, cashless at paperless transaction dahil sa automation.

Dahil dito, tuluyan nang masusugpo ang corruption at technical smuggling sa BOC at madagdagan din ang kita sa ahensya.

Pinuri naman kahapon ng Senado ang Pangulo sa paglagda nito sa CMTA.

 “Nagpapasalamat po tayo sa ating Pangulo at mga kasamahan sa Senado at sa Mababang Kapulungan na tumulong sa pagpasa ng batas na ito na naglalayong alisan ng buwis ang ating mga OFW na nagpapadala ng balikbayan box at ireporma ang luma at bulok na sistema sa Customs,” ayon kay Senator Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on ways and means at sponsor ng CMTA.

Aniya, dahil tumaas na ang values, mababawasan din ang diskresyon ng mga opisyal ng Customs sa mga balikbayan box na kokolektahan nila ng buwis.

Nabatid na bukod sa tax at duty free sa balikbayan boxes, pagkakalooban din ng tax exemption ang mga dala-dalang personal na gamit ang mga Pilipinong balikbayan na nagtagal ng tinatayang 10 taon sa pinagmulang bansa. Ito ay sa kondisyong hindi tataas ang halaga ng personal effects na bitbit ng nasabing OFW sa P350,000.

 Kung ang isang Pinoy OFW naman ay nagtagal sa pinagmulang bansa nang hanggang 5 taon, pagkakalooban siya ng libreng tax at duty free sa mga personal na dalahin nito na kondisyon ang kanyang personal effects ay hindi tataas sa halagang P250,000. Kung ito naman ay nanatili sa ibang bansa nang kulang-kulang limang taon, ang kanyang mga dalang personal effects ay may P150,000 tax-free ceiling.

Show comments