MANILA, Philippines - Tatlong testigo ng umano’y dayaan sa nagdaang May 9 national elections ang lumutang sa Senado kahapon.
Bitbit ni Pastor Boy Saycon, isang political analyst at konektado sa Council on Philippine Affairs COPA ang tatlong testigo na iniharap sa isang pulong balitaan sa Senado.
Ayon sa isa sa tatlong testigo, ang mga kandidato ng administrasyon na sina Mar Roxas at Vice President-elect Leni Robredo ang nakinabang sa dayaan.
“Kami po ay humarap at humiling ng tulong kay Mr. Boy Saycon upang mailahad namin ang katotohanan, ang buong pangyayari, ang nangyaring manipulasyon at dayaan sa nangyaring halalan ng nakaraang bilangan,” anang testigo na katulad ng dalawang kasamahan ay nakatakip ang mukha. Aniya, isa siyang logistic supervisor at nagpasya silang lumantad matapos magamit sa pandaraya.
“Nagpasya po kaming lumantad dahil sa nangyari na kami po ang mismong nakasaksi at kami po ang ginamit na kasangkapan,” anang lalaking testigo.
Nangyari umano ang manipulasyon sa isang pribadong gusali at kabilang sa mga naapektuhan ang mga botong nanggaling sa probinsiya ng Quezon.
Sa mga testigo umano ipinapadala ang mga botong galing sa munisipalidad na nabilang na at sila na ang nagbabago ng mga numero.
“Mailalagay po namin dun sa gusto nilang kandidato at ang ginagawa po namin, pagkatapos po sa amin binabato naman po namin doon sa aming mga kasama sa second floor, 3rd floor na sya pong may makina ng Smartmatic na nagbabato po sa mga kaukulang server,” anang testigo. Isa umanong mataas na opisyal na gobyerno na konektado sa Liberal Party ang nag-utos sa kanilang manipulahin ang boto.
Samantala, hinamon ni Romulo Macalintal, abogado ni Robredo ang mga nasabing whistleblower na magpakita ng kahit isang election return na magpapakitang hindi tugma sa certificate of canvass (COC).
Pinayuhan ni Macalintal ang kampo ni Sen. Bongbong Marcos na huwag nang maghain ng election protest dahil sayang lang ang pera.