MANILA, Philippines – Masayang binati kahapon ng Malacañang si Vice President-elect Leni Robredo sa kanyang pagka-panalo bilang susunod na bise presidente ng bansa.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, ang tagumpay ni Robredo ay maituturing na tagumpay ng mga naniniwala sa prinsipyo ng “Daang Matuwid”.
“Ang tagumpay ni Leni Robredo ay tagumpay ng sambayanang nananalig at naninindigan sa mga prinsipyo ng Daang Matuwid,” ani Coloma.
Kamakalawa ng gabi natapos ng National Board of Canvassers (NBOC) ang canvassing kung saan lumabas na si Robredo ang nanguna sa vice presidential race sa mismong ika-58 na birthday sana ng kanyang namayapang asawa na si dating Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na namatay noong August 18, 2012.
Ayon kay Coloma, si Robredo ay simbolo ng katatagan ng mga kababaihang Pilipino sa aspeto ng pamumuno sa bansa dahil sa matibay nitong adbokasiya para sa kapakanan ng mga maralita.
Kabilang aniya sa mga programa na isusulong ni incoming vice president ay ang makamit ang kalayaan mula sa kagutuman o zero hunger, paglahok ng lahat sa kaunlaran, shared prosperity or inclusive growth at pagkapantay-pantay ng kasarian o gender equality.
Binigyang-diin ni Coloma na kabilang sa mga bomoto kay Robredo ay ang mga taong naniniwala pa rin sa ispirito ng EDSA revolution na nagpatalsik sa Malacanang kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Idinagdag na bilang bise presidente, inaasahang itataguyod ni Robredo ang “rule of law” at hindi nito hahayaang mawala ang demokrasya sa bansa.