MANILA, Philippines - Mistulang nagpasaklolo kahapon si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga kasamahang senador matapos dalhin nito sa plenaryo ang reklamo tungkol sa sinasabing dayaang nangyari noong nakaraang eleksiyon kung saan lumalabas na natalo siya sa vice presidential race ng pambato ng Liberal Party na si Rep. Leni Robredo.
Ayon kay Marcos kung siya ang masusunod, nais niyang ipagpaliban ng mga senador at kongresista na magiging miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) ang pagbibilang ng boto para sa bise presidente dahil umano sa mga iregularidad.
Sinabi ni Marcos na wala siyang kuwestiyon sa pagka-panalo ni President-elect Rodrigo Duterte lalo pa’t nag-concede na lahat ang kanyang mga kalaban, pero iba umano ang isyu sa pagbibilang ng boto sa mga tumakbong bise presidente.
Tinukoy ni Marcos ang Commission on Elections (Comelec) na pinamumunuan ni Chair Andres Bautista na nagbubulag-bulagan umano sa mga ebidensiya na ipinapakita ng mga netizens tungkol sa nangyaring dayaan.
Binanggit rin ni Marcos ang ginawang pagbabago ng “script” o computer command ni Marlon Garcia ng Smartmatic noong gabi ng Mayo 9 sa transparency server ng PPCRV kung saan bigla umanong bumagal ang pagpasok ng kanyang nakuhang boto. Si Garcia ay nauna nang naakusahan ng electoral sabotage noong 2013 elections.
“This is the same Marlon Garcia who was charged with electoral sabotage for doing the very same thing during the 2013 elections. Aminado si Marcos na naging mahirap ang labanan sa posisyon ng bise presidente at dapat tiyakin ng Comelec na nagawa nito ang trabahong inatas ng Konstitusyon para sa isang “free, orderly, honest, peaceful, credible at informed elections.”