MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong electoral sabotage ng grupong Mata sa Balota ang mga opisyal ng Smartmatic at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa tanggapan ng Ombudsman kahapon.
Ang kaso ay inihain ng grupo sa pangunguna nina Rodolfo Javellana Jr. at running priest Fr. Robert Reyes.
Partikular na ugat ng reklamo ang umano’y pagsasabwatan ng mga opisyales ng Smartmatic at PPCRV para palitan ang script ng transparency server noong May 9 elections.
Sinadya umano ang pagbabago ng script sa kalagitnaan ng boto na nagdulot umano ng pagdududa sa publiko.
Sinampahan din ng grupo ang Commission on Elections (Comelec), pero dahil ang mga commissioner ay hindi maaring ma-impeach, hindi naman nila tinukoy ang akusado.
Giit ng grupo, nagkaroon ng kapabayaan sa hanay ng Comelec dahil hindi kaagad sila kumilos matapos na mabulgar sa halip ay nais pa umanong pagtakpan ang pangyayari.