Tolentino sa Comelec Integridad ng halalan tiyakin

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni senatorial candidate Francis Tolentino sa Commission on Elections (Comelec) na dapat tiyakin nito ang integridad ng darating na halalan makaraan ang matagumpay na hacking sa kanilang website at mai-leak ang mga impormasyon ng mga botante.

“Ang malawakang data leak na naglantad sa pribadong impormasyon ng 55 milyong botante ay nagpakita ng kahinaan ng Comelec. Dahil dito, dapat tiyakin ngayon ng Comelec ang seguridad ng pagbibilang ng balota matapos ang halalan sa Mayo 9,” ayon kay Tolentino.

Dapat umanong magtalaga ng higit na mahusay na “cyber security measures” ang Comelec bago sumapit ang mismong araw ng halalan upang matiyak na walang dayaan na magaganap.

“The hacking and data leak incidents give fear that the results of the election may be affected and manipulated. The Comelec should allay fears of the public from this scenario,” saad pa ni Tolentino.

Makaraang ma-upload ang mga personal na datos ng 55 milyong botante sa isang website, iginiit ni Tolentino na dapat panagutin ng Comelec ang kanilang mga tauhan dahil sa “data breach”.

“Sino ba ang in-charge sa Comelec website? Dapat mag-imbestiga ang Comelec at mapanagot ang mga nagpabaya. Hindi lang ito simpleng hacking, maaaring magamit ang mga impormasyon ng mga botante ng mga kriminal sa pamamagitan ng identity theft,” dagdag pa nito.

Pinayuhan naman ni Tolentino ang mga botante na imonitor na maigi ang kanilang mga bank accounts at social media accounts na maaaring magamit ng mga kriminal na mahusay sa data fraud. Dapat rin na magpalit na agad ng mga passwords at iulat sa mga otoridad kung may mamomonitor na abnormalidad sa kanilang mga bank accounts.

Show comments