MANILA, Philippines – Pinangunahan kahapon ni Pangulong Aquino ang paggunita ng ika-74 Araw ng Kagitingan sa Mount Samat Memorial Shrine sa Bataan.
Sa kanyang talumpati sinabi ni Aquino kahapon na ito ang huli at ika-anim na Araw ng Kagitingan na kanyang pamumunuan. Tiniyak din umano ni Aquino na palaging pangunahan taun-taon ang pagdiriwang upang personal na magpasalamat sa mga beterano.
“Ito na nga po ang ikaanim at huling Araw ng Kagitingang pamumunuan ko bilang inyong Pangulo. Taon-taon nga po nating siniguro ang ating pakikilahok sa komemorasyon, upang personal na magpasalamat at tumanaw ng sakripisyo ng ating mga beterano,” ani Aquino sa kanyang talumpati.
Muli ring ipinagmalaki ni Aquino ang naging bunga ng kanyang Daang Matuwid kung saan nalinis umano ang listahan ng mga nakakatanggap ng pensiyon.
“Kung pagtanaw nga po sa inyong sakripisyo ang usapan, tiyak ko pong malinaw sa inyo ang mga bunga ng Daang Matuwid. Pangunahin po sa ginawa nating reporma ay ang paglilinis ng listahan ng mga nakakatanggap ng ayuda, sa pamamagitan ng Pensioner’s Validation Program,” ani Aquino.
Hindi aniya tama na pinakikinabangan ng mga hindi kuwalipikado ang pension ng mga beterano.
“Hindi naman po kasi tama na ang pondong inilaan sa inyo, ay hahatian o kukupitan pa ng mga hindi kuwalipikado,” ani Aquino.