MANILA, Philippines - Binalaan ni UNA standard bearer Vice President Jejomar C. Binay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagsusulong nito ng extra-judicial killings bilang pangunahin niyang plataporma.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang Bise Presidente na may mga bata sa mga naging biktima ng extra-judicial killings sa Davao City.
Ayon kay Binay, mali at walang lugar sa bansa ang hindi makatarungang pagpatay sa mga tao, lalo na kung batay lang ito sa tsismis.
Binatikos din ni Binay ang pangako ni Duterte na reresolbahin ang kriminalidad at illegal drugs sa loob ng anim na buwan. Hindi raw sagot ang extra-judicial killings upang maresolba ang kriminalidad, ayon kay Binay. Nauna nang inamin ni Duterte sa radio program nito ang kaugnayan niya sa Davao Death Squad, isang vigilante group na itinuturo sa mga pagpatay sa nasabing lungsod.
Dagdag pa ni Binay, ang pagsugpo sa kahirapan, kasama na ang espektibong law enforcement at mga reporma sa hukuman at law enforcement agencies, ang pinakamahusay na solusyon laban sa kriminalidad.