MANILA, Philippines - Inimbestigahan na kahapon ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang madugong pagbuwag sa hanay ng mga magsasaka na nagsagawa ng protesta dahil sa dinaranas na gutom at kawalan ng tulong na nakukuha sa gobyerno sa kabila ng pagtama ng El Niño phenomenon. Isinagawa ang pagdinig sa University of Southeastern Philippines, Davao City kung saan kinuwestiyon ni Senator Alan Peter Cayetano ang liderato ng PNP sa pagdadala ng baril sa dispersal noong Abril 1 at kung sino ang nag-utos.
Ipinaliwanag ni North Cotabato police director Sr. Supt. Alexander Tagum sa komite na walang nag-utos na magpaputok ng baril sa mga magsasaka pero pinapayagan naman aniya ang magpaputok ng warning shots. Pinanindigan din ni Tagum na nagpatupad sila ng maximum tolerance at umabot pa ng tatlong oras na naghintay ang kanilang search warrant team.
Ayon pa kay Tagum ang pagdadala ng baril ay pinapayagan sa Civil Disturbance Management (CDM) bilang bahagi ng security component.
Pero ayon kay Cayetano, ang nasabing batas ay para sa lahat ng alagad ng batas at hindi lamang para sa CMD units o security forces. Nanindigan si Cayetano na nakasaad sa Section 10 ng Batas Pambansa 880 na ang mga miyembro ng law enforcement contingent ay hindi dapat nagdadala ng baril pero pinapayagang magdala ng baton o riot sticks, shields, crash helmets na may visor, at maging gas masks.
Samantala, sinabi rin ni Cayetano na kung kumilos ang national government na tugunan ang problema, hindi mangyayari ang insidente sa Kidapawan.
Samantala, sasampahan ng mga kaso ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon sina Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Governor Emmylou Talino-Mendoza, Agriculture Secretary Proseso Alcala at mga opisyal ng PNP dahil sa madugong dispersal sa Kidapawan City.
Sinabi ni Ridon, na masyadong marahas ang ginawang pagtrato sa mga magsasaka na hindi dapat palagpasin kaya dapat sampahan ng mga kasong Kriminal,Sibil at Administratibo ang mga nabanggit na opisyal. Kakasuhan din niya ang mga ito ng grave misconduct, gross neglect of duty at paglabag sa ilang probisyon sa Anti-graft and Corruption Practices Act.
Giit ng kongresista, isang linggo na ang nakakaraan ng maganap ang madugong engkwentro ay wala pa rin nakakasuhan sa mga responsable sa naturang insidente.
Habang dawit din si Alcala dahil sa kabiguan umano ng ahensiya nito na agad matugunan ang problema sa tagtuyot na nakaapekto sa milyong pamilya na umaasa sa pagsasaka.