MANILA, Philippines – Sa unang araw ng official campaign period para sa darating na eleksyon, nag-ikot kaagad ang tambalan nila Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ilang oras bago ang kanilang proclamation rally sa Tondo, at hindi pa man sumisikat ang araw ay nagsimula nang suyurin nina Duterte at Cayetano ang mga residente ng Brgy. 286 Zone 26 Delpan, Binondo.
Naniniwala sina Duterte at Cayetano na matatapos lamang ang kaguluhan at kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon na kanila namang inaalok sa ilalim ng kanilang plataporma.
Tiniyak ni Cayetano na tutulungan niyang magsimula ng maliit na negosyo ang mga Pilipino upang magkaroon sila ng sapat na kita para sa kanilang mga pamilya.
Binigyang diin naman ni Duterte ang pagsugpo sa krimen at droga kapag siya ang naihalal bilang pangulo ng bansa.
Nakisalo rin ang dalawa sa pagkain ng pansit, itlog at pandesal, habang inaalam mula sa mga residente ang mga pangunahing problema sa kanilang lugar.
Nais umanong ibahin ng tambalan ang nakagawiang estilo ng pangangampanya ng ibang kandidato, kaya madaling araw pa lang ay dinayo na nila ang mga kalye ng Maynila upang ihatid ang kanilang mensahe ng tunay na pagbabago.
“Unang una, bakit ganitong oras? Gusto naming ipakita ‘yung trabaho namin, trabaho lang talaga. Natutulog pa ‘yung ibang kandidato, natutulog pa ‘yung ibang pwedeng presidente, nasa kalye na kami. Gusto namin, kami ang unang makikinig sa kanila. Lahat ng nagsalita dito, apat lang ang problema - katahimikan o kaayusan ng lugar, presyo, trabaho, kita,” ani Cayetano.