MANILA, Philippines – Idiniin kahapon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na patuloy pa ring magbabayad ng kaukulang buwis sa pamahalaan si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach.
Ayon kay Henares, hanggat hindi napapagtibay ang batas na nagsasabing exempted si Wurtzbach ay hindi pa siya ligtas sa pagbubuwis.
“If you want to exempt somebody, you have to pass a law, and a law requires the vote of the House and the Senate. And if you read the Constitution, a law exempting anyone requires three-fourths vote of both the House and the Senate,” pahayag ni Henares.
Noong nakaraang linggo ay aprubado na sa House ways and means committee ang panukalang-batas na nagbibigay ng tax exemption sa kinita at premyo ni Wurtzbach.
Naging unanimous ang boto ng mga miyembro ng komite para ipasa ang House Bill 6367 na inihain ng magkapatid na sina Reps. Rufus at Maximo Rodriguez Jr.
Sa ilalim ng HB 6367, magiging exempted na si Pia sa pagbubuwis sa lahat ng natanggap niyang premyo, kabilang na ang buong taon na sweldo, accommodation sa New York apartment, supply ng haircare products at marami pang iba.
Gayunman, pending pa ang isang panukalang batas sa Senado.
Paglilinaw naman ng kalihim na maliit lamang ang halaga ng buwis na kailangang bayaran ng Pinay beauty queen, dahil mas malaki sa Estados Unidos kung saan siya isang taon magtatrabaho.
“If you look at it, Pia will probably pay the bulk of her income tax to the United States. If there will be any tax payment in the Philippines, it will probably be just 1 or 2 percent, or not even,” dagdag ni Henares.
Sinabi ni Henares na kailangan lang na maideklara ni Wurtzbach ang kanyang tax payment sa US oras na nag-file ng kanyang income tax pagbalik sa Pilipinas.
Niliwanag din nito na kapag ang isang Pilipino ay nagbigay ng panalo para sa kanyang bansa, hindi agad-agad ito nangangahulugan na malilibre sa batas.
Isang halimbawa rito si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na nagbigay ng todo-todong pagkilala sa Pilipinas ay wala namang naibigay na tax exempt o discount man lamang sa pagbubuwis sa halip ay hinabol pa ng BIR at kinasuhan dahil sa umano’y di pagbabayad ng tamang buwis sa Pilipinas.