MANILA, Philippines – Nakatadang bumili ng air surveillance radars ang Pilipinas sa isang Israeli company upang paigtingin ang pagbabantay sa West Philippine Sea.
Nagkakahalaga ng P2.68 bilyon ang tatlong radars na pinasok ng Pilipinas sa isang kasunduan noong Disyembre 21 na nilagdaan ng Department of National Defense (DND) at Elta System Ltd.
Nitong ikatlong linggo ng Enero ay binuksan ng dalawang panig ang letter of credit kung saan nakasaad na may nakahandang pera ang gobyerno ng Pilipinas na pambili ng radars.
Sa ilalim ng kontrata ay nakatakdang ibigay ng Elta ang una sa tatlong radars sa loob ng 22 buwan matapos buksan ang letter of credit.
Inaasahang darating ang ikalawang radar 28 buwan pagkalipas ng pagbubukas ng letter of credit o anim na buwan matapos ang unang pagdating ng radar.
Matatanggap ng Pilipinas ang ikatlong radar pagkalipas ng 34 buwan matapos buksan ang letter of credit o isang taon matapos makuha ang unang radar.
“The surveillance radars will help us monitor our territorial airspace and air defense identification zone,” wika ni Air Force spokesman Col. Enrico Canaya.
Sinabi pa ni Canaya na sakto ang radars sa biniling FA-50 lead-in fighter jets ng Pilipinas sa South Korea.
Gumastos ang Pilipinas ng P18.9 bilyon para sa 12 fighter jets.