Diskriminasyon sa maternity leave binatikos ni Rep. Villar
MANILA, Philippines – Pinababasura ni House Committee on Trade and Industry Chairman Mark Villar ang batas na naglilimita sa mga benepisyo ng maternity leave na para lamang sa mga kasal na empleyado ng gobyerno
Ito ay dahil sa ipinapatupad pa rin ang nakapaloob sa Section 12, Rule 16 ng Omnibus Rules, Executive Order No. 292 ng 1987 Administrative Code, ang patakaran noong Commonwealth government na tanging mga kasal na empleyado ang may pribilehiyo sa maternity leave.
Paliwanag ni Villar, panahon na para itama ang nasabing seksyon ng batas dahil ito ay isang diskriminasyon sa mga single mommy o walang mga asawa.
Hindi dapat ituring na isang second-class citizen ang mga hindi kasal at mga single parent sa bansa dahil pareho naman ang karapatan ng bawat magulang na bigyang panahon ang mga bagong silang na sanggol.
Higit umano sa lahat ay dapat kinikilala ang natatanging papel ng mga empleyadong kababaihan sa larangan ng pag-unlad ng bansa.
Sa kabila nito ikinatuwa naman ni Villar ang pagkakapasa ng House Bill 6399 o ang “One Hundred (100)-Day Maternity Leave Law” na layong bigyan ng 60 days maternity leave para sa mga ina na normal delivery at 78 days maternity leave para sa mga ina na sumailalim sa caesarian section.
- Latest