MANILA, Philippines – Inaasahan ni Iloilo City Congressman Jerry Trenas na bababa na ang bilang ng mga aksidente sa kalsada na bunga ng mga matutulin na bus at truck kapag napagtibay ang kanyang panukalang batas sa pagkakabit ng mga speed limiter sa lahat ng pampublikong sasakyan at mga closed vans, hauler or cargo trailer, shuttle services at tanker trucks.
Ang panukalang “Speed Limiter Act” ay inaprubahan kamakailan sa pangatlo at pinal na pagbasa sa Senado at kamara at takda ngayong isalang sa bicameral conference para pagsamahin ang kani-kanilang version.
Sinabi ni Trenas na inaasahan niyang malalagdaan bago maging ganap na batas ang panukala bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Aquino.
“Isa itong malaking hakbang para maging mas ligtas tayo sa mga kalsada. Mga speed demon ang maraming bus at truck driver na walang pakialam sa kaligtasan. Dumating na sa puntong kailangan nang maglagay ng mga speed limiter na ito para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian,” sabi ni Trenas.
Ang speed limiter ay isang device na naglilimita sa bilis ng isang sasakyan sa pamamagitan ng mga mechanical, electronic o communications system o kumbinasyon ng mga sistemang ito.
Magiging rekisitos sa pagpaparehistro ng nasasaklawang mga sasakyan ang pagkakabit ng mga speed limiter.
Nagpahayag ng kalungkutan si Trenas na maraming buhay ang nawala dahil sa kaskaserong mga bus at truck driver.
Sa pagkakabit ng speed limiter, hindi na nila mapapabilis ang kanilang sasakyan nang higit pa sa speed limit.