MANILA, Philippines – Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng pagsibak kay Ombudsman special prosecutor Dennis Villa-Ignacio dahil sa serious dishonesty kaugnay ng pamemeke ng ilang dokumento.
Una nang hinatulang guilty ng Ombudsman si Villa-Ignacio noong 2010, ngunit humiling ito na mabaliktad ang nasabing ruling.
Batay sa dalawang pahinang resolusyon ng CA’s 9th division na isinulat ni Associate Justice Myra Garcia-Fernandez at sinang-ayunan nina Associate Justices Fernanda Lampas Peralta at Francisco Acosta, nabigo umano ang dating opisyal na makapaglahad ng mga argumento na maaaring maging dahilan para baguhin ang naunang kautusan.
Nag-ugat ang kaso matapos matuklasang umaabot sa 113 ang mga pagliban nito sa trabaho at 63 araw sa mga ito ay hindi deklaradong official leave.
Nakita rin sa record na ang secretary at anak ni Villa-Ignacio ay lumiban naman ng 166 na araw noong 2008.