MANILA, Philippines – Iniutos na ng Korte Suprema na litisin si dating Palawan governor Joel Reyes sa kasong pagpatay sa broadcaster at environmentalist na si Doc Gerry Ortega.
Sa 21-pahinang desisyong isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng gobyerno dahil sa pagiging moot and academic.
Ito ay dahil nagpalabas na ang Puerto Princesa Regional Trial Court Branch 52 ng warrant of arrest laban kay Reyes.
Dahil dito, inatasan ng SC ang Puerto Princesa RTC na simulan na ang paglilitis sa dating gobernador.
Ang desisyon na pinonente ni Associate Justice Marvic Leonen ay napromulgate ng Supreme Court Second Division nuong January 11, 2016, halos dalawang linggo bago ang ika-5 anibersaryo ng pagpatay kay Doc Gerry nuong January 24.
Ang mandamyento de aresto laban kay Reyes ay inisyu nuong March 27, 2012.
Ang pagpapalabas umano ng warrant of arrest ay nangangahulugan na may independent determination of probable cause ang korte.
Sumang-ayon sa desisyon ang iba pang miyembro ng Second Division na sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Arturo Brion, Mariano del Castillo at Jose Mendoza.