MANILA, Philippines – Umani ng papuri ang bagong political advertisement ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas mula sa mga netizens na nakapanood nito.
Sa loob lamang ng tatlong oras ay umabot ng 67,000 views mula ng inilagay ito sa opisyal na Facebook page ni Roxas.
Sa ngayon, umabot na ng 922,000 views ang video ni Roxas na pinamagatang “Walang Drama, Trabaho Lang.”
Dito inamin ni Roxas na hindi siya laki sa hirap tulad ng ibang kandidato at hindi rin puno ng drama ang kuwento ng buhay niya, ngunit ibinida nito na hindi siya abusado at hindi rin ito magnanakaw.
Lampas 20 taon ng nasa serbisyo publiko si Roxas ngunit ni minsan ay hindi pa naidikit ang pangalan nito sa maanomalyang transakyon.
Ngunit tila hindi lahat ay natuwa sa sinabi ni Roxas. Kahapon ay panandaliang nagkaroon ng babala ang commercial sa social media na may laman itong karahasan bago mapanood. Nagkakaroon lamang ng ganitong babala bago mapanood ang isang video sa social media kapag may mga nagsumbong na may laman itong di kanais-nais.
Duda ng kampo ni Roxas, may mga tinamaan sa mga katagang binitawan ni Roxas sa video kaya’t sinikap itong ipatanggal sa social media.
“Masyado yatang nasaktan ang mga natamaan namin kasi ni-report nila for “graphic violence,” pahayag ni Daang Matuwid Coalition Spokesperson at Akbayan Rep. Barry Gutierrez.