BBL ‘tigok’ na

Sa privilege speech ni Deputy Speaker Pa­ngalian Balindong, nag­labas ito ng sama ng loob dahil sa kabiguang pagtibayin ang BBL. Giit ni Balindong, nasayang lamang umano ang 51 public hearings, 200 oras ng debate sa committee level at ang walong buwang konsultasyon para sa nasabing panukala. File photo

MANILA, Philippines – Suko na rin ang isa sa mga lider ng Kamara na mula sa Mindanao na maipapasa pa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sa privilege speech ni Deputy Speaker Pa­ngalian Balindong, nag­labas ito ng sama ng loob dahil sa kabiguang pagtibayin ang BBL.

Giit ni Balindong, nasayang lamang umano ang 51 public hearings, 200 oras ng debate sa committee level at ang walong buwang konsultasyon para sa nasabing panukala.

Kaya para sa lider ng Kamara, ito na ang pinakamalungkot na araw sa kanya bilang isang mambabatas dahil ang BBL umano ay nagbigay pag-asa sa bawat muslim.

Subalit ang Mamasapano incident umano na hindi naman nila kagagawan ay nagbigay na naman sa kanila ng negatibong imahe bilang mga terorista, mamamatay tao at traydor kaya nadiskaril ang pagpasa ng BBL.

Dahl dito kaya hindi na umano nila alam kung papaano niya ipapaliwanag sa kanyang constituents kung bakit nabigo silang pagtibayin ang nasabing panukala.

Subalit ang katotohanan umano ay umiiral ang tyranny of majority sa Kamara kaya nabalewala ang sentimyento ng mga muslim na kinakatawan lamang nilang sasampung kongresista mula sa Mindanao.

Nagbabala rin si Balindong sa negatibong epektong maaaring idulot ng pagkadiskaril sa isinusulong na BBL.

Inihalimbawa nito ang nangyari sa Syria at Iraq na dahil sa mga bigong usaping pangkapayapaan ay kaguluhan ang naging resulta.

Sakaling mangyari ito, ipinaalala ni Balindong na ginawa nila kasama ang iba pang Mindanaoan congressmen ang kanilang makakaya para maiwasang magkaroon ng karahasan.

Pero wala umano silang magagawa dahil mayorya ng mga miyembro ng Kamara ay hindi umano interesado rito.

Aminado rin si Balindong na malaking factor ang naganap na Mamasapano incident kaya lumamig ang pagtanggap ng kanilang mga kasamahan sa BBL.

Show comments