MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing permanente na sa P30 ang flagdown rate sa mga taxi at ibaba na din ang minimum fare sa mga UV express matapos ang sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Ginawa ni Rep. Gachtalian ng Valenzuela City ang panawagan matapos ibaba na rin sa P7 ang minimum na pasahe sa jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog.
Noong nakaraang taon ay nagpatupad ang LTFRB ng provisional na pagbawas sa flagdown rate ng taxi na P30.00 at P70.00 naman sa airport taxis pero hindi na pina-calibrate ang mga metro ng mga ito kundi naglagay lamang ng sticker na babawasan ng P10 ang dapat bayaran ng pasahero.
Nanindigan si Gatchalian na dapat iutos ng LTFRB ang calibration ng mga taxi meters upang maging permanente na ang P30 na flagdown rate.
Aniya, kung susundin ng LTFRB ang kanyang panukala ang P30.00-taxi fare ay katumbas ng flagdown rate noong 2004 na sumisingil din ng P2.50 per 300 meters at P2.50 na 2 minutes waiting time.
Iginiit pa ni Gatchalian na dapat ding iutos ng LTFRB ang pagbaba ng minimum na pasahe sa mga UV express sa P10-P12.