MANILA, Philippines - Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na malapit nang ilabas ang resolusyon laban sa 90 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at private armed groups (PAGs) sa mga alegasyon laban sa kanila kaugnay sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP.
Ang paniniyak ay ginawa kahapon ni acting DoJ Sec. Emanuel Caparas, na nagsabing submitted for resolution na ang kaso laban sa mga suspek na isinasangkot sa madugong engkwentro.
Gayunman, inamin ni Caparas na mabagal ang pag-usad ng imbestigasyon dahil maraming testigo at respondent pero nangako ito na gagawin nila ang lahat para mapabilis ang paglutas sa kaso.
Hindi naman nagbigay ng time frame ang kalihim kung kailan ilalabas ang resolusyon pero minamadali na raw ito lalo na’t natapos na ang pagdinig ng DoJ pannel.
Ang kaso sa DoJ panel ay may kaugnayan sa pagkamatay ng 35 sa 44 na miyembro ng PNP-SAF na kasama sa Oplan Exodus para hulihin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.