MANILA, Philippines - Binalaan kahapon ni dating Iloilo Rep. at ngayo’y Iloilo Vice Governor Rolex Suplico ang publiko hinggil sa posibleng pagkakaroon muli ng ZTE scandal sa bansa sa pamamagitan ng pagpasok ng Australian Communications firm Telstra sa Philippine market.
Si Suplico na isa sa mga nagsampa ng impeachment complaint kay dating Pangulong Gloria Arroyo dahil sa maanomalyang ZTE NBN contract, ay nagsabing tumanggap siya ng report na ang Telstra ay gagamitin umano ng ZTE upang makapagtayo ng broadband network sa Pilipinas.
“While we welcome the entry of foreign investments in the country, we strongly recommend that these investors choose their partners wisely and refrain from associating with organizations of tainted and questionable integrity,” pahayag ni Suplico.
Sinabi pa ni Suplico sa ginanap na press conference sa QC, na ang ZTE ay naugnay na sa korapsiyon sa Pilipinas at pinangangambahang maulit umano ito.
Hinikayat din ni Suplico ang pamahalaan na huwag payagan ang pagkakaroon ng isa pang kahalintulad na ZTE-NBN deal na lumabag ito sa konstitusyon, Government Procurement Act, Build-Operate-Transfer law, at sa Telecoms Policy Act.
Binigyang diin nito ang matinding pangangailangan ng bansa na masolusyunan ang mabagal na Internet service sa Pilipinas pero kailangang tingnang mabuti kung ito ay tahasang magbibigay ng benepisyo sa mamamayan.
“The government must do its part and invest in the infrastructure we need,regulators should continue to look for other solutions to slow Internet, including a review of the optimal allocation of limited frequencies,” dagdag pa ni Suplico.
Nilinaw nito na wala naman siyang pinapanigan at sinusuportahang anumang telecommunications company sa bansa bastat ang nais niya anya ay maiparating sa pamahalaan na huwag nang payagang maulit pa ang isa pang NBN-ZTE corruption scandal at tumulong na mapalakas ang pagbibigay ng mahusay na telecoms services sa ating bansa.