MANILA, Philippines – Nagpayahag ng pagsuporta ang buong hanay ng mga alumni ng kapulisan sa aksyon ni Sen. Juan Ponce Enrile na buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre kung saan 44 na tropa ng PNP Special Action Forces ang walang awang napatay ng grupo ng Moro Islamic Liberation Front at Bangasamoro Islamic Freedom Fighters noong January 25, 2015.
Ayon kay ret. P/Chief Supt. Tomas G. Rentoy III, chairman ng PNP Academy Alumni Association Inc. (PNPAAAI), hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakamit ng 44 na SAF troopers ang hustisya at kailangang mailabas ang tunay na katotohanan sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng kaso at umaasa silang dito ay magkakaroon na ng closure ang kaso.
Sa kanyang liham, sinabi ni Rentoy kay Enrile na sa kabila ng maraming high profile investigation na ginawa ang Senado, Kongreso, ang PNP at Department of Justice (DOJ) sa naganap na insidente ay hindi pa anya nahuhukay ang kabuuan ng katotohanan.
“What we’ve been hearing also is that some of the benefits promise by the government to the windows and families of the slain 44 SAF men are still unfulfilled. I have strong doubts that the justice can ever be served to them under the present regime,” sabi pa ni Rentoy.
Anim sa 44 nasawing SAF commandos ang mga alumni ng PNPA.
Nitong nakaraang Lunes, sinabi ni Enrile na may ebidensya siya para patunayan na si Pangulong Aquino ay sangkot sa Jan.25, 2015 Mamasapano mission, kahit na nakamonitor ito sa police operation, pero walang ginawa para iligtas ang 44 SAF troopers nang ang mga ito ay pinapatay.