MANILA, Philippines – Maglalaan pa ng karagdagang pondo ang lungsod ng Maynila ngayong taon para sa tinaguriang ‘Manila’s Finest’ bilang ‘katuwang sa pagtitiyak ng kaayusan, seguridad at kapayapaan.’
Ibinalita ni Manila Mayor Joseph Estrada na daragdagan pa niya ang kanilang contribution sa Manila Police District ngayong bumabangon at humaharap ang Maynila sa isang maliwanag, masagana at mapagpalang bukas matapos ng kadiliman.
Ayon kay Estrada, ang kaniyang administrasyon ay nakapagbuhos na ng hindi bababa sa P136 milyon na pondo para sa allowance at iba pang pinansyal na pangangailangan ng kapulisan ng lungsod.
Bukod dito, ayon kay Estrada, nakapagbigay din sila ng P150 milyon para sa mga kagamitan sa MPD tulad ng mga patrol cars at motorcycles, two-way radios at kagamitan sa mga police sub-stations.
“Bukod sa 110 electric personal transporters (segway), karagdagang 15 patrol cars na binili mula sa pondo ng Pagcor at 14 pang patrol ang binili ng local na pamahalaan para sa MPD, “ sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng MPD.
Para mabigyan ng bagong anyo ang tanggapan ng kapulisan, naglaan ng P20 milyon ang Estrada administration para sa renovation ang MPD headquarters sa UN Avenue.