Pasahe sa jeep, P7 na

Ngayong Miyerkoles ay isasalang ng apat na grupo ng transportasyon sa LTFRB ang petisyon na maibaba sa 50 cents ang pasahe sa jeep upang maaksiyunan ng ahensiya. Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Mula sa P7.50 minimum fare sa passenger jeep ngayon, plano ng apat na grupo ng transportasyon na bawasan ng 50 cents ang pasahe o magiging P7.00 na lamang ang nais nilang pasahe sa mga passenger jeepney sa bansa.

Sa panayam kay Obet Martin, national president ng Pasang Masda, nagkasundo sila ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Assn. of the Philippines, Allianced of Concerned Transport Organization at Liga ng Tsuper at Operators sa Pilipinas (LTOP) na bawasan ng 50 cents ang P7.50 minimum fare sa jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel na gamit ng mga pampasaherong jeep.

“Nagkasundo kaming apat na tulungan ang mamamayan na mabawasan ang gastusin sa pamamagitan ng pagbababa ng 50 centavos sa pasahe sa jeep nationwide,” pahayag ni Martin.

Ngayong Miyerkoles anya ay isasalang nila sa LTFRB ang petisyon na maibaba sa 50 cents ang pasahe sa jeep upang maaksiyunan ng ahensiya.

Sa panig ng LTFRB, agad nilang bubusisiin ang bawas pasahe oras na maidulog sa kanilang tanggapan ng naturang transport groups.

Show comments