MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na pagbaunin na lamang ng pagkain ang kanilang mga anak sa pagpasok ng mga ito sa eskwela.
Ito’y kasunod ng food poisoning incident na naganap sa may 100 mag-aaral ng isang paaralan sa Makati City kamakailan.
Ayon sa DepEd, bukod sa makatitiyak na ligtas, masisiguro rin ng mga magulang na masustansya at malinis ang pagkaing kinakain ng mga anak sa eskwela kung magbabaon na lamang ang mga ito.
Mas makabubuti rin anila kung ang babaunin ng mga bata ay kanin at masustansiyang ulam, sandwiches, juice at mga prutas, sa halip na junk foods, na masama sa kanilang kalusugan.
Nauna rito, may 100 estudyante sa Makati ang sinakitan ng tiyan at nagsuka at nagtae matapos umanong bumili ng pagkain sa loob ng paaralan.
Iniimbestigahan naman na ng DepEd ang insidente upang matukoy ang dahilan ng food poisoning.